Umuwi kami ng Pampanga noong Biyernes para sa birthday celebration ng Tatay. Habang nandoon kami sa resort, naibalita sa ate ko na wala na sa ‘Dang Ali/Dada’, yung tindera sa sari-sari store sa tapat ng lumang bahay namin. Siyempre nalugkot ako dahil kilala ko siya. Ang di ko inasahan ay yung lungkot nang makita ko na siya noong dumalaw kami sa burol.
Simula nang magka-malay ako, siya na at ang magulang niya ang bantay sa tindahan sa harap. May upuan pa nga dati at puno ng talisay sa tapat kaya malilim at masarap tumambay. Kakausapin ka at aalukin ng ice candy or adobong mani na bagong luto lang nila. Yes, home-made, packed, fresh from the pan.
Nang mag-high school at college, mas madalas ay malayo na ako sa bahay. Weekends ako umuuwi at minsan pag bumababa ng jeep, binabati niya ako at tinatanong kung bakit maaga/late na nakauwi, kung traffic ba o mahirap sumakay. It wasn’t being nosy… ngayon ko naiisip na it was genuine ‘malasakit’ of a neighbor… because that’s what neighbors do.
Di ko alam ano ang natapos niya sa paaralan. Di ko alam kung bakit di na siya nag-asawa o nagtrabaho pa nang iba (although kuwento sa akin ng Tatay at mga kapatid ko ay nagluluto siya sa canteen noong sa Manila na talaga ako nakatira) pero palagay ko ay naging bahagi siya ng maraming buhay ng tao sa amin.
Kilala din siya ng mga pamangkin ko. Lumaki din silang bumibili sa tindahan nila. Hindi ko alam kung kagaya ko ang lungkot na nararamdaman nila. Palagay ko sa pagtanda nila, maaaring balikan nila yung mga araw nila sa tindahan, gaya ko, at maiisip nila na napakabuting tao ni ‘Dada’ at mapalad kaming nakilala namin siya.
Requiem æternam dona ei, Domine
Et lux perpetua luceat ei:
Requiescat in pace.
Amen.