“Ang paglaya’y nakukuha sa tulis ng isang sibat”

Republika baga itong busabos ka ng dayuhan?
Ang tingin sa tanikala’y busilak ng kalayaan?

Kasarinlan baga itong ang bibig mo’y nakasusi,
Ang mata mong nakadilat ay bulag na di mawari?

Ang buhay mo’y walang patid na hibla ng pagtataksil
Sa sarili, lipi’t angkan, sa bayan mong dumaraing!

Kalayaan! Republika! Ang bayani’y dinudusta.
Kalayaan pala itong mamatay nang abang-aba!

Kasarinlan pala itong ni hindi mo masarili
Ang dangal ng tahanan mong ibo’t pugad ng pagkasi.

Malaya ka, bakit hindi? Sa bitaya’n ikaw’y manhik,
At magbigting mahinahon sa sarili na ring lubid!

Kalayaan – ito pala’y mayron na ring tinutubo
Sa puhunang dila’t laway, at hindi sa luha’t dugo!

Humimbing kang mapayapa, mabuhay kang nangangarap,
Sa ganyan lang mauulol ang sarili sa magdamag.

Lumakad ka, hilain mo ang kadenang may kalansing,
Na sa taynga ng busabos ay musikang naglalambing!

Limutin mo ang nagdaan, ang sarili ay taglayin,
Subalit ang iniisip ay huwag mong bibigkasin!

Magsanay ka sa pagpukpok, sa pagpala at paghukay,
Pagkat ikaw ang gagawa ng kabaong kung mamatay.

Purihin mo ang bayaning may dalisay na adhika,
Ngunit huwag paparisan ang kanilang gawi’t gawa.

Republika na nga itong and sa inyo’y hindi iyo,
Timawa ka at dayuhan sa lupain at bayan mo!

Kalayaan! Malaya ka, oo na nga, bakit hindi?
Sa patak ng iyong luha’y malaya kang mamighati!

Sa simoy ng mga hangin sa parang at mga bundok,
Palipasin mo ang sukal ng loob mong kumikirot.

Kasarinlan! Republika! Kayo baga’y nauulol,
Sa ang inyong kalayaa’y tabla na rin ng kabaong?

Repblika! Kasarinlan! Mandi’y hindi nadarama,
Ang paglaya’y sa matapang at sa kanyon bumubuga!

Bawat hakbang na gawin mo sa Templo ng Kalayaan
Ay hakbang na papalapit sa bunganga ng libingan!

Ang paglaya’y nakukuha sa tulis ng isang sibat,
Ang tabak ay tumatalim sa pingki ng kapwa tabak.

Ang paglaya’y isang tining ng nagsamang dugo’t luha,
Sa saro ng kagitinga’y bayani lang ang tutungga.

Bawat sinag ng paglayang sa karimlan ay habulin,
Isang punyal sa dibdib mo, isang kislap ng patalim!

Tula mula kay Teodoro Agoncillo pinamagatang Republikang Basahan

I will ask you, are we truly free?

Advertisements

1 Comment

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s